Thursday, September 30, 2004

 

ANG BUHAY NG ISANG LIGAW NA BULAKLAK

Tumubo ang isang ligaw na bulaklak sa tabi ng isang mataas na pader. Madilim at tahimik ang paligid; ni hindi umaabot ang init ng araw sa paanan ng pader. Kapirasong langit lang ang nakikita ng nag-iisang bulaklak. Malungkot ang buhay ng isang ligaw na bulaklak. Kaunti lamang ang nagdaraan sa tabi ng nasabing pader. Sa ilan na dumaan, ni isa ay walang pumansin sa ligaw na bulaklak. May iba na muntik na siyang maapakan.

Pero malakas ang loob ng munting ligaw na bulaklak. Sa simula pa lamang ay alam niya na mayroon pa na mas maliwanag at mabuting buhay para sa kaniya. Alam niya na ang tanging paraan upang makita niya ang lawak ng langit ay kapag siya’y mapitas. Pero alam din niya na masakit mapitas.

Isang araw, dumaan ang isang batang lalaki at umupo sa tabi ng ligaw na bulaklak. Ang batang lalaki ang unang lumapit sa ligaw na bulaklak.

“Ang ganda mo naman,” sabi ng batang lalaki. “Wala akong nakikitang ganitong bulaklak sa tindahan.” Ang batang lalaki ang unang kumausap sa ligaw na bulaklak.

Pagkalipas ng ilang sandali, pinitas siya ng batang lalaki. Nasaktan siya nguni’t nasiyahan nang makita niya na tuwang-tuwa ang batang lalaki. Kakaiba ang pakiramdam na siya’y nilapitan, kinausap, nagustuhan, at pinitas.

Mahigpit ang hawak ng batang lalaki sa ligaw na bulaklak. Naglakbay ang dalawa kung saan maraming iba’t ibang halaman at bulaklak, kung saan nakikita ang lawak ng langit. Natuwa at namangha ang ligaw na bulaklak sa lahat ng kaniyang nakita: iba’t ibang kulay at hugis ng mga bulaklak, mga maliliit at malalaking bahay, mapuputing ulap, mga bagong mukha. Hindi na madilim at tahimik ang mundo niya; hindi na rin siya nag-iisa.

Ibinigay ng batang lalaki ang ligaw na bulaklak sa kaniyang pinakamatalik na kaibigan. Nasiyahan ang batang babae ng makita niya ang napakagandang ligaw na bulaklak. Dali-dali siyang umuwi para ipakita sa kaniyang nanay.

Pero hindi nagustuhan ng kaniyang nanay. Hindi raw pinipitas, ipinapakita o ibinibigay sa iba ang mga ligaw na bulaklak. Hindi raw ito maganda o mahalaga tulad ng mga rosas.
Hindi maunawaan ng batang babae ang kaniyang nanay. Itinago na lamang niya ang ligaw na bulaklak sa kaniyang kuwarto. Kahit hindi siya katulad ng rosas, inalagaan niya ito: diniligan, minasdan, kinantahan, kinausap, at minahal.

Laking tuwa ng ligaw na bulaklak sa tunay na pagmamahal ng batang babae. Siya ang unang nagpakita ng pagmamahal sa ligaw na bulaklak. Nagpatuloy ang pagmamahal ng batang babae sa ligaw na bulaklak kagaya ng pagmamahal sa kanya ng batang lalaki.

Ngunit pagkalipas ng ilang araw, unti-unting humina ang tangkay ng ligaw na bulaklak dahil sa sugat kung saan siya pinitas. Dahan-dahang nalanta ang magandang ligaw na bulaklak at nagpaalam sa batang babae, sa batang lalaki, sa langit at sa mundo. Nalungkot ang mga bata nguni’t alam nila na kailangan na siya’y magpaalam. Pagkalipas ng ilang sandali, nakatulog na ubod ng himbing ang ligaw na bulaklak.

Nasaktan siya sa pagpitas.

Napagod siya sa kanyang paglakbay.

Namangha siya sa lawak ng langit at mundo.

Nasiyahan siya sa pagmamahal ng mga bata.

Nabuhay siya.

Comments:
This story is a revised version of my final project for FIL14 in my junior year. I have a picture collage book with photographs I took, dried flowers, and magazine cut-outs. It was one of those rare EUREKA ideas while I sat in a history class, a week before my project deadline.
 
Post a Comment



<< Home

This page is powered by Blogger. Isn't yours?